1848
Nang ang Visita de Luisiana ay mahiwalay sa pansibil mula sa Majayjay subalit wala pa ring lubos na kalayaan sapagkat pinamamahalaan pa rin ito ng Majayjay sa aspetong pang-espirituwal.

1849

Nobyembre 21 nang itakda ni Gobernador-Heneral Clavaria ang Dekretong nag-uutos sa buong Pilipinas na solusyonan ang kalituhang dulot ng kawalang apelyido ng maraming Pilipino ng pagkakaroon ng magkakaibang apelyido kahit iisang pamilya.  Aniya’y nagdudulot ito ng kalituhan sa administrasyon ng katarungan, gobyerno at pampublikong kaayusan, at ang malawakang konsekwensyang idudulot nito sa aspetong pangmoral, pansibil at panrelihiyon.  Subalit sa malalim na pagsusuri nito, mapapag-alaman na ang isa ring matibay na dahilan ng Dekreto ay upang matukoy ang mga taong umiiwas sa pagbabayad ng buwis (tributos) na nakakasama sa sistemang pananalapi ng Pamahalaang Kastila dito.

1850

Abril nang matanggap ng Cura Parroco ng Majayjay R.P. Fr. Victorino del Moral ang Dekreto, kaukulang Katalogo ng Pamimilian ng Apelyido at Modelo ng Bagong Rehistro ng mga Apelyido, buhat sa Alcalde Mayor ng Laguna upang ipatupad sa Visita.

Disyembre 15 ang itinakdang katapusang ng pagsusumite ng Rehistro. At sa naganap na utos, ito ang ilan sa mga kinahinatnan:

  •   Bernardo naging Estrellado
  •    Alcantara naging Roasa
  •    de la Concepcion naging Morillo
  •    de la Torre naging Teope
  •    San Jose naging Lorico
  •    Buenaventura naging Penalosa
  •    San Juan naging Romulo


at sa ipinahihiwatig ng ilang matatandang dokumento bagaman at ito’y nangangailangan pa ng karagdagang pananliksik:
 

  •   Pagdingalan naging Oracion
  •    Martin naging Rogado
  •    Concepcion naging Quebar
  •    San Antonio naging Apostol
  •    Mariano/Victoria naging Esperanza
  •    de lima naging Raflores
  •    San Miguel naging Reodica, at iba pa.


Samantala, patuloy ang mga taga Visita sa pag-aasikaso upang lubusang lumaya, na simula sa pagdating ni Fr. del Moral noong kalagitnaan ng 1849 hanggang sa panahong ito’y itinuon naman sa kahilingang magkaroon ng sariling parroco na mangangasiwa sa buhay espiritual ng Visita.  Nagbunga ito ng lalong mahigpit na pagsalungat mula kay Fr. del Moral na nag-ungkat ng dahilan:  Unang-una’y ang di nila pagtupad sa hinihingi ng nakaraang mga dekreto upang lubusang lumaya.