1853 

Upang mapadali ang minimithi, pinasimulan nila ang paglilikom ng mga materyales at pagtatayo ng isang Yglesia Provisional o Simbahang Pansamantala habang di pa nila naitatayo ang permanenteng yari sa apog at bato ayon sa Ordinansa.  (Ang Yglesia’y nasunog noong Mayo 12, 1872 kaya’t pinasimulan naman noong 1873 ang permanenteng yari sa apog at bato).
 
 

1854

Kahit may munting kakulangan sa maraming kondisyon ng paglaya, natupad naman ang mga taga Visita ang mga mahahalaga at pangunahing kondisyon, kaya’t magkatugong pinagtibay ng Gobernador-Heneral, (ang Marques de Novaliches) at ang Arzobispo ng Maynila sa pamamagitan ng Dekreto ang paglayang pang-espirituwal ng Visita.

Dito nasabi, sang-ayon sa pagkakatitik ng Mataas na Pamahalaang Kolonyal ng Espana sa kanyang Opisyal na Kalatas Blg. 1827, na pinal na napagtibay nitong Abril 3, na ang  ”… Luisiana ay lubusang Malaya na sa kanyang pan-sibil at pang-espiritual mula sa kanyang inang Majayjay.”  Ito ang simula ng Bayang Luisiana, taglay ang pangalang hango sa“Ama ng Bayan”, Don Luis Bernardo at sa kanyang maybahay, Dona Ana (Luis y Ana).