1845

Oktubre 31 nang ipadala ni D. Venancio Buenaventura, Teniente Primero ng Visita de Luisiana, kay Alcalde Mayor D. Jose Maria de Romarate ng Laguna ang isang Memorial na may lagda ng Teniente Primero at mga Caveza de Barangay ng Visita hinggil sa kahilingang magkaroon na sila ng sariling Gobernadorcillo sa halalan ng susunod na taon.  Ito’y para sa isang higit na maalwan at mabuting pamamahala, alalaon baga’y upang di na nila konsultahin pa ang Gobernadorcillo ng Majayjay tuwina sa mga bagay na nais nila tungkol sa sistema ng pamamahala sa Visita.  Idinahilan nila ang sitwasyon ng Visita de San Juan del Monte ng Pueblo de Sta. Ana sa labas ng Maynila at ng Visita de Dolores, Probinsya ng Tayabas, kung saan sila’y pauna nang nagkaroon ng Gobernadorcillo bago pa man maging lubos na bayan ng kani-kanilang Visita.

       Disyembre 11 nang lagdaan ni Gobernador-Heneral Narciso Zaldua Clavaria sa Maynila ang Dekreto na nagsasaad ng sumusunod bilang tugon sa kahilingan nabanggit ng mga taga Visita de Luisiana:
 

“Bilang   pagtanaw  sa  nauunang ipinag-utos aking ipinagkakaloob sa Teniente Mayor at sa mga Cabeza de Barangay ng Visita na tinatawag na Luisiana, nasasakupan ng Majayjay, lalawigan ng Laguna na mula ngayon sa kasunod na taon na darating bilang pauna ay maaring na silang magkaoon ng kaukulang Gobernadorcillong may lubos na kalayaan mula sa kanyang inang Majayjay, upang pamahalaan ay paunlarin yaong mga taal-na-mamamayan, na may pagkaunawa, sa sila’y patatantuan ng Alcalde Mayor ng nasabing lalawigan na pinadalhan nitong Dekreto, para sa kanyang kaalaman at kaukulang mga kilusin, na itong nakakataas ay umaasa para sa paggamit ng impluwensiya ng bagong likhang Awtoridad kung saan ang nasabing Visita ay dapat magtayo yari sa apog at bato ng kanyang hukuman at paaralan, maglikom ng kanilang buwis, mag-wasto at maghanay ng kaayusan ng kanilang mga bahay sa pormang itinatakda ng mga Ordinansa, at sa huli’y ihihiwalay sa kanyang angkop na panahon mula sa Majayjay sa kanyang pang-espirituwal, at nang sa gayon ito’y magiging isang bayang singyaman at sindami tulad ng ipinangangako ng kanyang katatayuan at ng iba pang pangyayari, dahil pantay-pantay nang naipaaalam ang dito ay mga ipinahayag, sakali’t itong Pamahalaan ay makapuna na ang nasabing Visita ay di umuunlad, di nakakatupad sa ipinag-uutos, di gumagamit ng kanyang mga kahigtan sa siyang inaasahan nitong pagkakaloob na ito, at sa kanila’y ipinangako na, ito’y ibabalik sa pagka-dependyente na siyang katayuan, dito sa inang-bayan, at aalisin ng Gobernadorcillo na ngayon ay ipinagkakaloob at hihirangain sa mga nalalapit na halalan.”

Mula dito hanggang sa ilang taon na sumunod ay may di pa natupad na mga kondisyon upang lubusang lumaya ang Visita.