1841
Buwan ng Marso nang muling hilingin ng taga Visita ang paghiwalay nang lubusan subalit marubdob itong tinutulan ng cura parroco ng Majayjay Padre Antonio Roman.

Hulyo 14 naman nang tugunin ni Gobernador-Heneral Marcelino Oraa ang nasabing kahilingan sa pamamagitan ng Deklarasyong nag-uutos”…sa Alcalde Mayor ng Laguna na ipaunawa sa mga taga Visita de Nasunog na sa loob ng isang taon na di maaring palagpasin, ay dapat pagsama-samahin ang kanilang mga bahay ayon sa itinatadhana ng Articulo 83 ng mga Ordinansa ng Mabuting Pamahalaan, na may palatandaan ang mga lansangan at ang plasa na gagawin para sa kanila; kung matutupad nila ang kanilang ipinangakong pagtatayo ng hermita, paaralan, convento at hukuman, at kung ito’y di mapapatunayan sa loob ng nasabing taning na panahon ay mawawala ang pagiging Visita at muling isasama sa kanyang inang Majayjay tulad ng kanyang katayuan bago mag-ika-9 ng Oktubre 1837.” 

Di malaman kung may epektong naidulot sa isipan ng mga interesado sa paghihiwalay ang pananakot na nasa Deklarasyong nabanggit, subalit sa pagtataya sa mga nangyayari pagkatapos, ang mga taga Visita ay walang ginawa upang matupad ang ipinag-uutos.  Gayundin naman, ang Gobernador-Heneral Oraa ay walang ginawang hakbang kaugnay ng kanyang pagbabanta.