1837

Nagbisita ocular sa Nasunog de Majayjay si D. Prudencio de Santos, Alcalde Mayor ng Laguna, upang alamin kung mayroon man lang 500 tributos dito na siyang isa sa mga hinihingi ng Ordinansang Kastila upang ang Nasunog ay maging bayan.

  Pebrero 10 nang mapag-alaman sa ginawang rehistro o padron de los tributantes na 410 ½ ang mga tributos sa labing-isang barrio ng Nasunog de Majayjay.
Barrio  Barangay  Caveza  Tributos
1.  Ylayang Caliaat  San Felipe Santiago D. Alverto San Juan  19 ½
2.  San Luis  Nra. Senora  D. Francisco Aragon 37 ½
3.  Ybabang Caliaat San Bernardo D. Juan Mariano  43 ½
4.  Sta. Barbara  San Mateo Apostol D. Jose de San Juan  44
5.  Ylayang Nasunog  San Simon  D. Francisco Manuel  39 ½
6.  Ylayang Sto.        Tomas Sta. Rosa de Lima D. Domingo San Luis  52 ½
7.  Ybabang Nasunog  San Marcos  D. Ygnacio Luis de la Torre 37 ½
8.  San Roque  San Diego D. Octavio Juan Nepomuceno  32 ½
9.Ybabang Sto. Tomas San Matias  D. Gregorio Rivera 32
10. Pananem  San Salvador D. Alexo de la Concepcion  37 ½
11. Malagoin  San Sebastian  D. Esteban Francisco 34 ½

Idinagdag pa rito ang tributos ng mga solteros, solteras at pinagsamang casados at solteros na nasa kalapit o paligid ng Nasunog de Majayjay:  48 ½

          Pebrero 13 nang magpahayag ng nasusulat na pag-anib ang mga tributantes ng limang barrio ng Nasunog de Lucban na may kabuoang 255 tributos at gayundin ang Barrio Calunorang Nasunog-Bgy. Nra. Sra. del Rosario ng Cavinti na mayroong 43 tributos.  Sila’y malapit sa Nasunog de Majayjay at nang maibsan din ang mga suliraning pang-temporal at pang-espirituwal.

         Oktubre 9 nang pagtibayin ni Gobernador-Heneral Andres Garcia Camba ng Mataas na Pamahalaan ang isang Dekreto na ginagawang Visita ang mga barrio ng Nasunog de Majayjay at ang iba pang nauukol.  Doo’y itinakda niya ang mga Kondisyon upang ang Visita de Nasunog ay maging bayang hiwalay at lubusang Malaya:

    •  Pagtatayo ng simbahan, tribunal at paaralan
    •  Pagsasaayos ng mga bahay ayon sa pormang itinatadhana ng Capitulo 83 ng mga Ordinansa ng Mabuting Pamahalaan.


        Disyembre 9 nang piliing pagtayuan ng Visita ang ngayo’y tayo ng Poblacion mula sa dalawa pang pinagpiliang lugar: ang mga patag na lugar sa Dambuhala at sa May-lipute.  Ito’y napili sapagkat maraming bukal na di natutuyo kahit tag-araw.

Sa bisa ng nasabing Dekreto ay pinili rin ang mga kaunahang opisyal ng Visita.  Ito’y ginanap sa bahay ni D. Ygnacio Luis de la Torre, sa harap ni Alcalde Mayor Prudencio de Santos ng Laguna at ng kanyang Kalihim Eduardo Valenzuela.